Kapag ganitong nasa ilalim tayo ng mahigpit na restriksyon, mahirap bumiyahe ng malayo lalo pa’t nakapaloob tayo sa ‘bubble’, na kung saan ang National Capital Region at ang mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal, ay nasa kalagayang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Sa madaling salita, hindi tayo basta-basta makakalabas ng bubble upang magtungo sa mga lalawigang malimit pasyalan ng mga bakasyonista tulad ng Pagudpud, at Kapurpurawan Rock Formation sa Ilocos Norte; Vigan City, sa Ilocos Sur at iba pang magagandang pook pasyalan sa northern provinces. Maraming rekisitos ang kailangan para makapagbiyahe sa mga tourist destination ng mga lalawigang nabanggit.
Minsan na naming narating ang bayan ng Claveria, sa Cagayan Valley. Malayong lakbayin pero masisiyahan ka naman sa Magagandang tanawin na iyong madadaanan habang bumibiyahe patungo sa destinasyong malapit na sa dulo ng Luzon.
Kung dire-deretso ang biyahe, aabutin ng 12 oras ang biyahe mula Bulacan hanggang Claveria. Pero hindi kakayanin ng mga kasama naming driver sa dalawang van na aming sinasakyan ang straight travel. Kailangan talagang mag istasyon sa bayan o siyudad na pwedeng pagpahingahan.
Una kaming nag stop over sa Barangay Sulvec, sa Narvacan, Ilocos Sur. Gilid ng dagat ang lugar, pero mahirap maligo sa hitsura ng beach dahil pawang magagaspang na volcanic rock ang nakapalibot kaya magkakasya ka na lang sa kodakan. Makaraan ang kalahating oras na pahinga, biyahe ulit.
Alas dose ng hatinggabi ng umalis kami ng Bulacan at alas siyete ng umaga nang narating namin ang Narvacan. Sa aming muling pagbiyahe pa norte, dumaan muna kami sa Sarrat, Ilocos Norte. Hindi pa naililibing noon sa Libingan ng mga Bayani, ang mga labi ng dating Pangulo Ferdinand E. Marcos, kaya personal kong nakita ang mga labi ni Marcos na nakahimlay sa nitsong salamin.
Pagkatapos niyon ay pinuntahan naman namin ang presidential museum sa Paoay, Ilocos Norte.
Ang lugar na naging tahanan ng pamilya Marcos, noong si Macoy, ay pangulo pa ng Pilipinas. Maraming memorabilia sa nasabing museo na nagpapaalala sa buhay ng dating unang pamilya. Sa gawing likod ng museo ay naroon ang malawak na Lawa ng Paoay.
Siyempre, nasa Paoay na rin lang kami, pinuntahan din namin ang historical Paoay church. Pagkakain namin ng pananghalian ay bumiyahe na kami pa-Claveria. Mula Bulacan, magdamag at maghapon kaming bumiyahe kasama na ang mga stop over bago namin narating ang bayan ng Claveria.
Ang isa sa aming mga kasama ay taal na taga Claveria. Isinilang siya sa barangay Taggat, kung saan naroon ang Taggat Lagoon. Ang nasabing lagoon ay napapalibutan ng rock formations. Ang hugis nitong pakukob (cove) ay nagsilbing daungan ng iba’t ibang uri ng mga bangka, pangisda at pang turista.
Dahil banayad lang ang alon sa loob ng lagoon, mainam maligo at lumangoy sa palibot niyon dahil walang malalaking alon na hahampas sa iyo. Nakatutuwa ring pagmasdan ang pagdaong ng mga bangkang pangisda na galing sa ilang araw at ilang gabing pamamalakaya sa karagatang sakop ng Dagat Pasipiko.
Doon ako nakakita ng bagong huling isda na blue marlin na aabot sa 30 kilo o higit pa ang timbang. Malalaki rin ang mga huling isdang dorado na ibinebenta sa mababang halaga na 75 pesos kada kilo. Medyo mahal ng bahagya ang halaga ng blue marlin, doon pero ‘di hamak na mababa ang presyo, ng marlin sa Taggat, kumpara sa nabibiling marlin dito sa Bulacan.
Ang pusit naman at flying fish ay bagsak ang presyo kaya nagsawa kami sa kakakain ng pusit na niluto sa iba’t ibang putahe. Gano’n kasimple ang buhay ng mga tao sa Claveria. Pangingisda sa dagat ang pangunahing nila ng ikabubuhay. Masarap Balikan ang Claveria, pero sa panahong ito ng pandemya ay hindi biro ang pagbiyahe sa ganoong kalayong lugar. (RONDA BALITA Online: Manny Camua Dela Cruz)
Comments
Post a Comment