Documentary for peace, featured in Mindanao

 


BILANG bahagi ng selebrasyon ng National Peace Consciousness Month, ipinalabas ang “Great Legacy”, isang dokumentaryong pangkapayapaan sa isang sinehan sa Davao City nitong Martes (Sept. 6).

Ito ay dinaluhan ng limandaang katao kabilang ang mga kawani ng pamahalaan, edukasyon, media, mga pinuno ng iba’t ibang organisasyon at relihiyon, at mga peace advocates mula iba’t ibang panig ng Mindanao.

Ginawa ito ng SMV Media Group, isang broadcast company na naka-base sa Seoul, South Korea, sa pakikipagtulungan ng Heavenly Culture, World Peace, Restoration of Light (HWPL).

Ang HWPL ay isang internasyonal na non-profit organization na nagtataguyod ng pandaigdigang kapayapaan at pagtigil ng digmaan.  Sa pamamagitan ng dokumentaryong ito ay ipinakita ang matagumpay na mga gawaing pangkapayapaan sa Mindanao, na nakatulong sa peace process sa rehiyon.

Nagpadala ng mensahe ng pagbati si Davao City Mayor Baste Duterte at pinuri ang HWPL at SMV sa kanilang adbokasiya. Aniya, ang pagpapalabas ng mga dokumentaryo ukol sa kapayapaan ay makahihikayat ng mas maraming tao na lumahok sa pagpapanatili at pagtatatag ng kapayapaan sa komunidad.

Nagsimula ang adbokasiya ng HWPL sa Pilipinas nang dumating sa bansa si HWPL Chairman Lee Man-Hee, isang beterano ng digmaan sa Korea. Namagitan siya sa isang “civilian peace agreement” na nilagdaan nina Archbishop Emeritus Fernando Capalla at dating gobernador ng Maguindanao na si Esmael “Toto” Mangudadatu noong ika-14 ng Enero, 2014 sa General Santos City. Sa harap ng 300 katao mula sa iba’t-ibang antas ng buhay at sektor ng lipunan, sila ay nangakong magtutulungan para sa pagtigil ng digmaan at pagtatatag ng kapayapaan lalong-lalo na sa Mindanao.

Simula noon ay pinagpatuloy ng HWPL ang pagpapalaganap ng kamalayan ukol sa kapayapaan hindi lamang sa Mindanao kundi sa buong Pilipinas. Kabilang sa mga inisyatibo ng HWPL ay ang pagsasabatas ng kapayapaan, mga dayalogo sa pagitan ng iba’t ibang relihiyon, pagtuturo ng peace education at pagsuporta sa mga kabataan at kababaihan.Ang kasunduang ito ay kinilala rin sa labas ng bansa bilang isang mahusay na ehemplo ng pagsasaayos ng kaguluhan. Sa dokumentaryo, nagpahayag ng paghanga ang dating chairperson ng UN Human Rights Commission na si Martin Lee Hojian kay Chairman Lee, gayundin sa mga Pilipino na masidhing naghahangad ng kapayapaan.

Bago ipalabas ang nasabing dokumentaryo ay nagkaroon din ng press conference para sa Chief Branch Manager ng HWPL Philippines na si John Rommel Garces, Chairwoman ng International Women’s Peace Group (IWPG) na si Hyun Sook Yoon, at Vice-President for Mindanao ng Philippine Federation of Local Councils of Women at Publicity Ambassador ng IWPG na si Sholai Lim.

Noong umaga naman ng parehong araw ay idinaos ng IWPG ang unveiling ceremony ng kauna-unahang IWPG Peace Monument sa Maragusan, Davao de Oro kung saan matatanaw ang kilalang ‘sea of clouds’. Dumayo ang kanilang delegasyon mula South Korea para sa kauna-unahang IWPG Peace Tour mula ika-5 hanggang ika-7 ng Setyembre. Ang IWPG ay katuwang na organisasyon ng HWPL. (RONDA BALITA Online: Manny D. Balbin)

SOURCE: Dokumentaryo ukol sa Kapayapaan sa Mindanao, itinampok sa Davao - Ronda Balita

Comments