Unang 200 ektarya ng land development ng NMIA, nailatag na sa Bulacan




BULAKAN, Bulacan — Umaabot na sa 200 ektarya ng lupa ang nailalatag para sa itinatayong New Manila International Airport (NMIA) sa baybayin ng Bulakan, Bulacan.


Iyan ang iniulat ni Gobernador Daniel R. Fernando matapos ang pakikipagpulong kay Ramon Ang, pangulo ng San Miguel Corporation na konsesyonaryo ng proyektong NMIA.


Ang nagagawa na sa land development ng proyekto ay bahagi ng nasa 2,500 na ektarya ng magiging NMIA aviation complex. Kinatulong ng konsesyonaryo ang kompanyang Dutch na Boskalis na eksperto sa mga dredging at land development sa iba’t ibang panig ng daigdig.


Ayon pa sa gobernador, patunay ito na tuluy-tuloy na ang economic recovery dahil hindi napigil ang proyektong NMIA sa kabila ng pagtama ng pandemya.


Taong 2019 nang ipagkaloob ng Department of Transportation (DOTr) ang konsesyon sa San Miguel Aerocity Inc., na isang subsidiary ng San Miguel Corporation, upang mamuhunan sa pagdisenyo, pagtatayo at patakbuhin ang magiging paliparan sa pamamagitan ng sistemang Built-Operate-Transfer o BOT na isang mekanismo ng Public-Private Partnership (PPP).


May halagang P740 bilyon ang proyekto na tinatanaw na magiging pinakamalaking paliparan ng bansa.


Ang Kongreso naman ay nagkaloob sa San Miguel Aerocity Inc. ng 50 taong prangkisa sa bisa ng Republic Act 11506 noong taong 2020. Kalakip nito ang mga tax exemptions sa nasabing konsesyonaryo sa iba’t ibang uri ng buwis ng pamahalaang nasyonal at lokal sa loob ng 10 taong construction period.


Sinabi naman ni DOTr Undersecretary for Aviation Robert Lim, na bukod sa land development na patuloy na ginagawa para sa proyektong NMIA, kasabay ding ginagawa rito ang iba’t ibang flood control at mitigation projects.


Tinututukan aniya ng DOTr ang proyekto upang matiyak na nakakasunod ito sa mga umiiral na mga batas partikular na sa mga rekisitong nakapaloob sa Environmental Compliance Certificate (ECC).  Layunin nito na hindi magdudulot ng pagbaha sa katabi na mga baybaying bayan at lungsod sa Bulacan.


Gayundin ang pangangalaga sa Manila Bay at yamang dagat na nabubuhay dito sa kabila ng ginagawang isang makabagong paliparan. Itinatayo ang NMIA sa tabi ng Manila Bay na nasa baybayin ng mga barangay ng Taliptip at Bambang sa bayan ng Bulakan, Bulacan.


Bagama’t may sampung taon na ibinigay na palugit sa San Miguel Aerocity Inc. na itayo ang NMIA sang-ayon sa probisyon ng Republic Act 11506, target na matapos ang Phase 1 at makapagsimula ng partial operation sa taong 2026.


Prayoridad na makumpletong maitayo rito ang airport terminal building at ang unang dalawa sa apat na mga runways. Idinisenyo ito upang makapaglulan ng nasa 240 na mga eroplano sa bawat oras.


Samantala, ipinahayag ni Ang na pahahabain ng San Miguel Corporation ang linya ng MRT 7 mula sa San Jose Del Monte City hanggang sa NMIA. Ang nasabi ring kompanya ang konsesyonaryo ng MRT 7 na inaasahang magsisimula ang inisyal na operasyon sa taong 2023 mula sa San Jose Del Monte City hanggang sa Quezon City.


Source: PIA Bulacan via Shane F. Velasco


Comments